"PAGHAHAYAG NG SALITA NG
DIYOS AT PAGTALIMA DITO "
"Kaya't
ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig at makakapakinig lamang kung
may mangangaral tungkol kay Cristo. Ngunit and tanong ko'y hindi ba
sila nakapakinig? Nakapakinig nga sila! Sapagkat, "Abot sa lahat ng dako
ang tinig nila, At ang mga salita nila'y laganap sa sanlibutan."" Roma
10:17-18
"Sinabi
pa, "Magalak kayo, mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!" At sinabi pa
rin, Purihin nino ang Panginoon, Kayong mga Hentil, Ang lahat ng bansa
ay magpuri sa kanya!" Roma 15:10-11
"Subalit
kailangang kayo'y manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya
at huwag bayaang mawala ang pagasang dulot ng Mabuting Balita na inyong
narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging tagapangaral ng
Mabuting Balitang ito na ipinahayag sa lahat ng tao." Colosas 1:23
"Ang
nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos at nanatili sa Diyos, at ang
Diyos naman'y nananatili sa kanya. Nalalaman natin at pinanaligan ang
pag-ibig ng Diyos sa atin." 1Juan 4:15-16
"Muling
nagsalita si Jesus sa mga tao. Wika niya, "Ako ang ilaw ng
sanlibutan. Ang sumunod sa akin at magkakaroon ng ilaw na nagbibigay
buhay, at dina lalakad sa kadiliman." Juan 8:12
Roma
Chapter 10:5-21
Ang Kaligtasan ay Para sa Lahat
10 5 Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang tumutupad sa Kautusan ay mabubuhay ayon dito.” 6 Ngunit ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” upang pababain si Cristo.
7 “Huwag mo ring sabihin, ‘Sino ang bababâ sa kailaliman?’” upang muling buhayin si Cristo. 8 Sapagkat ganito ang sinasabi, “Malapit sa iyo ang mensahe, nasa iyong bibig at nasa iyong puso.” Ang tinutukoy dito'y ang salitang ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya. 9 Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay itinuturing na matuwid ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang bibig at sa gayon ay naliligtas. 11 Sinabi nga ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” 12 Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya, 13 dahil sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
14 Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? 15 At paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita!” 16 Ngunit hindi lahat ay sumunod sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?” 17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.
18 Subalit ang tanong ko'y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Oo, sila'y nakapakinig! Sapagkat nasusulat, “Abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig, ang sinasabi nila'y nakarating hanggang sa dulo ng daigdig.”
19 Ito pa ang isa kong tanong: Hindi kaya nakaunawa ang bansang Israel? Noon pa man ay sinabi na ni Moises, “Gagamitin ko ang mga taong di man lamang isang bansa upang kayo'y inggitin, gagamitin ko ang isang bansang hangal upang kayo'y galitin.” 20 Buong tapang namang ipinahayag ni Isaias, “Natagpuan ako ng mga hindi naghanap sa akin. Nagpahayag ako sa mga hindi nag-usisa tungkol sa akin.”
21 Subalit tungkol naman sa Israel ay sinabi niya, “Buong maghapon akong nanawagan sa isang suwail at mapaghimagsik na bayan!”
Roma
Chapter 15:7-13
Ang Mabuting Balita sa mga Hentil
15 7 Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. 8 Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno,
9 at upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat, “Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin, At aawitan ko ang iyong pangalan.”
10 Sinabi rin, “Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!”
11 At muling sinabi, “Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil, lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!”
12 Sinabi pa ni Isaias, “May isisilang sa angkan ni Jesse, upang maghari sa mga Hentil; siya ang kanilang magiging pag-asa.”
13 Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Colosas
Chapter 1:15-23
Ang Kalikasan at Gawain ni Cristo
1 15 Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. 18 Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na binuhay mula sa kamatayan, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. 19 Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, 20 at sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa kanya. Nakamtan ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak na inialay sa krus.
21 Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. 22 Ngunit naging tao ang Anak ng Diyos at sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay ay ipinagkasundo kayo sa Diyos. Nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. 23 Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging lingkod para sa Magandang Balitang ito na ipinangaral sa lahat ng tao sa buong daigdig.
1Juan Chapter 4:7-21
Ang Diyos ay Pag-ibig
4. 7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. 8 Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. 9 Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isugo niya sa mundo ang kanyang kaisa-isang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. 10 Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at isinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan.
11 Mga minamahal, kung ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong magmahalan. 12 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit kung tayo'y nagmamahalan, nasa atin ang Diyos at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig. 13 Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at pinapatotohanang isinugo ng Ama ang kanyang Anak upang iligtas ang sanlibutan. 15 Ang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama'y nananatili sa kanya.
16 Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya. 17 Ang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin kaya't panatag ang ating kalooban para sa Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang ito. 18 Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.
19 Tayo'y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. 20 Ang nagsasabing “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita? 21 Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Cristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid.
Juan
Chapter 8:12-20
Si Jesus ang Ilaw ng Sanlibutan
8 12 Muling nagsalita si Jesus sa mga tao. Sinabi niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman.” 13 Sinabi sa kanya ng mga Pariseo, “Ikaw lang ang nagpapatotoo tungkol sa iyong sarili; walang katotohanan ang ganyang patotoo.” 14 Sumagot si Jesus, “Kung nagpapatotoo man ako tungkol sa aking sarili, totoo ang aking sinasabi, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit hindi ninyo alam ang aking pinanggalingan at ang aking pupuntahan. 15 Humahatol kayo ayon sa mga pamantayan ng tao, ngunit hindi ako humahatol kaninuman. 16 At humatol man ako, tama ang aking paghatol, sapagkat hindi ako nag-iisa sa aking paghatol, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin. 17 Nasusulat sa inyong Kautusan na dapat tanggapin ang patotoo ng dalawang saksi. 18 Nagpatotoo ako tungkol sa aking sarili, at nagpapatotoo rin ang Ama na nagsugo sa akin.” 19 Siya'y tinanong nila, “Nasaan ang iyong ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako kilala, at hindi rin ninyo kilala ang aking Ama. Kung kilala ninyo ako, kilala rin ninyo siya.”
20 Ito'y sinabi ni Jesus nang siya'y nagtuturo sa Templo, sa may lalagyan ng mga alay. Ngunit walang nangahas na humuli sa kanya sapagkat hindi pa dumating ang kanyang takdang oras.
0 comments:
Post a Comment