TEACHING OF GOSPEL
TEACHING OF FAITH
SPIRITUAL SALVATION'S
MESSAGE OF GOD
"Mag-unawaan ang
Lahat ng Relihiyon at bawat tao
Ang kaligtasan
ay para sa lahat sa pamamagitan
ng Panginoong Jesu-Cristo"
"Walang
pagkakaiba ang katatayuan ng Judio at Griego. Iisa ang panginoon ng
lahat at siya ang nagkakaloob ng kanyang kayamanan sa lahat ng tumatawag
sa kanya." Roma 10:12
"Mga
kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong
gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang pita ng laman, kundi
maglingkod kayo sa isat-isa dahil sa pag-ibig." Sapagkat ang buong
kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya
ng iyong sarili." Ngunit kung kayu-kayo's magkakagatan at
magsasakamalang parang mga hayop, kayo'y mauubos." Galacia 5:13-15
"Sapagkat
ang pagpasok ng tao sa kaharian ng Diyos ay hindi nakasalalay sa
pagkain at inumin kundi sa pagiging matuwid, pagkakasundo sundo at
kagalakan ng pwang kaloob ng Espiritu Santo." Roma 14:17
"Ngunit
ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay tayo ng mga bagong langit at ng
bagong lupa na pinaghaharan ng katarungan. Kaya nga, mga minamahal,
samantalang kayo'y naghihintay, sikapin ninyong mamuhay na mapayapa,
walang dungis at kapintasan. " 2Pedro 3:13-14
Roma
Chapter 10:5-21
Ang Kaligtasan ay para sa Lahat
10 5 Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang tumutupad sa Kautusan ay mabubuhay ayon dito.” 6 Ngunit ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” upang pababain si Cristo. 7 “Huwag mo ring sabihin, ‘Sino ang bababâ sa kailaliman?’” upang muling buhayin si Cristo.
8 Sapagkat ganito ang sinasabi, “Malapit sa iyo ang mensahe, nasa iyong bibig at nasa iyong puso.” Ang tinutukoy dito'y ang salitang ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya. 9 Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay itinuturing na matuwid ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang bibig at sa gayon ay naliligtas. 11 Sinabi nga ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” 12 Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya, 13 dahil sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
14 Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? 15 At paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita!” 16 Ngunit hindi lahat ay sumunod sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?” 17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.
18 Subalit ang tanong ko'y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Oo, sila'y nakapakinig! Sapagkat nasusulat, “Abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig, ang sinasabi nila'y nakarating hanggang sa dulo ng daigdig.”
19 Ito pa ang isa kong tanong: Hindi kaya nakaunawa ang bansang Israel? Noon pa man ay sinabi na ni Moises, “Gagamitin ko ang mga taong di man lamang isang bansa upang kayo'y inggitin, gagamitin ko ang isang bansang hangal upang kayo'y galitin.”
20 Buong tapang namang ipinahayag ni Isaias, “Natagpuan ako ng mga hindi naghanap sa akin. Nagpahayag ako sa mga hindi nag-usisa tungkol sa akin.” 21 Subalit tungkol naman sa Israel ay sinabi niya, “Buong maghapon akong nanawagan sa isang suwail at mapaghimagsik na bayan!”
GalaciaChapter 5:1-15
Manatiling Malaya
5 1 Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!
2 Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo, kapag nagpatuli kayo, binabaliwala ninyo si Cristo. 3 Binabalaan ko ang lahat ng taong nagpapatuli, tungkulin nilang sumunod sa buong Kautusan. 4 Kayong nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan, inihiwalay ninyo ang inyong sarili kay Cristo at napalayo kayo sa kagandahang-loob ng Diyos. 5 Kami'y umaasa na magiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu. 6 Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi. Ang mahalaga'y ang pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.
7 Maganda na sana ang inyong pagtakbo. Sino ang humarang sa inyong pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi kayo hihikayatin ng ganyan ng Diyos na tumawag sa inyo. 9 Ang sabi nga, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa ng harina.” 10 Naniniwala akong sasang-ayon kayo sa akin sa bagay na ito, dahil sa ating kaugnayan sa Panginoon. At natitiyak kong paparusahan ng Diyos ang sinumang nanggugulo sa inyo.
11 Mga kapatid, kung talagang nangangaral pa ako na kailangan ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig hanggang ngayon? Kung iyo'y totoo, hindi na sana nila ikinagagalit ang aking pangangaral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus. 12 At ang mga nanggugulo sa inyo ay huwag lamang patuli kundi tuluyan na nilang putulan ang sarili nila.
13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayo'y nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mag-ingat kayo at baka tuluyan ninyong sirain ang isa't isa
Roma
Chapter 14:13-23
Huwag Maging Sanhi ng
Pagkakasala ng Iyong Kapatid
14 13 Huwag na tayong humatol sa isa't isa. Huwag rin tayong maging dahilan ng pagkatisod o pagkakasala ng ating kapatid. 14 Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang anumang likas na marumi. Ngunit kung ang sinuman ay naniniwalang marumi ang anumang bagay, marumi nga iyon sa kanya. 15 Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay natitisod ang iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipahamak ang taong tinubos ng kamatayan ni Cristo dahil sa iyong kinakain. 16 Pag-ingatan mong ang inaakala mong mabuti ay huwag masamain ng iba. 17 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin; ito ay tungkol sa matuwid na pamumuhay, kapayapaan, at kagalakan na ipinagkakaloob ng Espiritu Santo. 18 Ang naglilingkod kay Cristo nang may ganitong kaisipan ay kinalulugdan ng Diyos at iginagalang ng mga tao.
19 Kaya't lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpalakas sa isa't isa. 20 Huwag ninyong sirain ang ginawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay malinis at maaaring kainin. Ngunit hindi mabuti na magkakasala ang iba dahil sa iyong kinakain. 21 Mabuti ang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang magiging sanhi ng pagkakasala ng iyong kapatid. 22 Ikaw at ang Diyos lamang ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Pinagpala ang taong hindi sinusumbatan ng kanyang budhi kapag ginagawa niya ang mga bagay na pinaniniwalaan niyang tama. 23 Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay nagkakasala, sapagkat hindi siya nagiging tapat sa kanyang paniniwala. Ang paggawa ng anuman na labag sa sariling paniniwala ay kasalanan.
2Pedro
Chapter 3:1-17
Ang Pangakong Pagdating
ng Panginoon
3 1 Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay sinikap kong gisingin ang malinis ninyong isipan sa pamamagitan ng pagpapaalala ng ilang mga bagay. 2 Alalahanin ninyo ang mga sinabi noon ng mga banal na propeta at ang utos na ibinigay sa inyo ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. 3 Una sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay pagtatawanan kayo ng mga taong namumuhay ayon sa sarili nilang pagnanasa. 4 Sasabihin nila, “Nangako siyang darating, hindi ba? Nasaan na siya? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito.” 5 Sinasadya nilang hindi pahalagahan ang katotohanang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Nilikha ang lupa buhat sa tubig at sa pamamagitan ng tubig. 6 Sa pamamagitan din ng tubig—ng Malaking Baha—ginunaw ang daigdig nang panahong iyon. 7 Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama.
8 Mga minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang. 9 Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan.
10 Ngunit ang Araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala. 11 At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang dumating agad ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Subalit ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran.
14 Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong kayo'y madatnang namumuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan. 15 Isipin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas. Iyan ang isinulat sa inyo ng kapatid nating si Pablo, taglay ang karunungang kaloob sa kanya ng Diyos. 16 Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalala. May ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at maguguló ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili.
17 Ngayong ito'y alam na ninyo, mga kapatid, dapat kayong mag-ingat upang huwag kayong mailigaw ng mga taong walang sinusunod na batas. Sa gayon, hindi kayo matitinag sa inyong mabuting kalagayan. 18 Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. Sa kanya ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Amen.
THE WISDOM BOOKS AND
EVANGELIZATIONS
Awit
Chaptter 75:1-8
God the Judge of the World
75 1 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, Oh Dios: kami ay nagpapasalamat, sapagka't ang iyong pangalan ay malapit: isinasaysay ng mga tao ang iyong mga kagilagilalas na gawa.
2 Pagka aking nakamtan ang takdang kapanahunan, hahatol ako ng matuwid.
3 Ang lupa at lahat na tagarito ay natutunaw: aking itinayo ang mga haligi niyaon. (Selah)
4 Aking sinabi sa hambog, Huwag kang gumawang may kahambugan: at sa masama, Huwag kang magtaas ng sungay: 5 Huwag mong itaas ang iyong sungay ng mataas; huwag kang magsalitang may matigas na ulo.
6 Sapagka't hindi man mula sa silanganan, o mula man sa kalunuran, o mula man sa timugan, ang pagkataas.
7 Kundi ang Dios ay siyang hukom: kaniyang ibinababa ang isa, at itinataas ang isa.
8 Sapagka't sa kamay ng Panginoon ay may isang saro, at ang alak ay bumubula; puno ng pagkakahalohalo, at kaniyang inililiguwak din: tunay na ibubuhos ng lahat na masama sa lupa ang latak, at iinumin.
9 Nguni't aking ipahahayag magpakailan man, ako'y aawit ng mga kapurihan sa Dios ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay naman ng masama ay aking ihihiwalay; nguni't ang mga sungay ng matuwid ay matataas.
0 comments:
Post a Comment