Galacia
Chapter 5:1-15
Manatiling Malaya
5 1 Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!
2 Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo, kapag nagpatuli kayo, binabaliwala ninyo si Cristo. 3 Binabalaan ko ang lahat ng taong nagpapatuli, tungkulin nilang sumunod sa buong Kautusan. 4 Kayong nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan, inihiwalay ninyo ang inyong sarili kay Cristo at napalayo kayo sa kagandahang-loob ng Diyos. 5 Kami'y umaasa na magiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu. 6 Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi. Ang mahalaga'y ang pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.
7 Maganda na sana ang inyong pagtakbo. Sino ang humarang sa inyong pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi kayo hihikayatin ng ganyan ng Diyos na tumawag sa inyo. 9 Ang sabi nga, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa ng harina.” 10 Naniniwala akong sasang-ayon kayo sa akin sa bagay na ito, dahil sa ating kaugnayan sa Panginoon. At natitiyak kong paparusahan ng Diyos ang sinumang nanggugulo sa inyo. 11 Mga kapatid, kung talagang nangangaral pa ako na kailangan ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig hanggang ngayon? Kung iyo'y totoo, hindi na sana nila ikinagagalit ang aking pangangaral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus. 12 At ang mga nanggugulo sa inyo ay huwag lamang patuli kundi tuluyan na nilang putulan ang sarili nila.
13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayo'y nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mag-ingat kayo at baka tuluyan ninyong sirain ang isa't isa.
Colosas
Chapter 1:1-14
Panalangin ng Pasasalamat
1 1 Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at mula rin sa kapatid nating si Timoteo: 2 Para sa mga taga-Colosas na hinirang ng Diyos at mga tapat na kapatid kay Cristo. Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama. 3 Tuwing ipinapanalangin namin kayo, lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Sapagkat nabalitaan namin ang inyong pananalig kay Cristo Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang ng Diyos, 5 dahil sa pag-asang makakamtan ninyo na inihanda para sa inyo sa langit. Nalaman ninyo ang tungkol sa pag-asang ito nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na dumating sa inyo. 6 Ito'y lumalaganap at nagdadala ng pagpapala sa buong daigdig, tulad ng nangyari sa inyo mula nang marinig at maunawaan ninyo ang katotohanan tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. 7 Natutunan ninyo ito kay Epafras, ang aming kamanggagawa, isang tapat na lingkod ni Cristo at kinatawan ninyo. 8 Sa kanya namin nalaman ang inyong pag-ibig na naaayon sa Espiritu.
9 Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu. 10 Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos. 11 Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. 12 Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag. 13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 Sa pamamagitan niya ay napalaya tayo, samakatuwid ay pinatawad ang ating mga kasalanan [sa pamamagitan ng kanyang dugo].
Roma
Chapter 8:1-17
Pamumuhay ayon sa Espritu
8 1 Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. 2 Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikiisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. 3 Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. 4 Ginawa ito ng Diyos upang ang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman. 5 Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. 6 Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. 7 Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos, at sadyang hindi niya ito magagawa. 8 At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.
9 Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. 10 Ngunit dahil naninirahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. 11 Kung naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.
12 Mga kapatid, wala tayong pananagutang sundin ang mga hilig ng laman upang mamuhay ayon sa katawang makalaman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. 14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng “Ama, Ama ko!” 16 Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.
Roma
Chapter 6:15-23
Mga Alipin ng Katuwiran
6 15 Ngayon, malaya na ba tayong magkasala dahil wala na tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi! 16 Hindi ba ninyo alam na kapag nagpasakop kayo sa sinumang inyong sinusunod, kayo'y nagiging alipin nito, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o ang pagsunod sa Diyos na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa katotohanan na nasa aral na ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran. 19 Gumagamit ako ng karaniwang pangungusap dahil sa inyong likas na kahinaan. Kung paanong ipinailalim ninyo noong una ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, isuko ninyo ngayon ang inyong sarili bilang alipin ng katuwiran para sa mga banal na layunin.
20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran. 21 Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon. 22 Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y isang buhay na banal at ang ibinubunga nito'y buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Gawa
Chapter 4:1-22
Sian Pedro at Juan sa
Harap ng Sanedrin
4 1 Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio, ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. 2 Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil itinuturo ng mga ito sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. 3 Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. 4 Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki.
5 Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namumuno sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. 6 Kasama nila si Anas, ang pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang iba pang mga kamag-anak ng pinakapunong pari. 7 Pinatayo nila sa harap ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?” 8 Sumagot si Pedro na puspos ng Espiritu Santo, “Mga tagapanguna at mga pinuno ng bayan, 9 kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, 10 nais kong malaman ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus ngunit muling binuhay ng Diyos.
11 Ang Jesus na ito ‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay, ang siyang naging batong-panulukan.’ 12 Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.” 13 Nagtaka ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nabatid nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito. 14 Ngunit dahil kaharap nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi nina Pedro at Juan, wala silang masabi laban sa dalawa. 15 Kaya't ang dalawa ay pinalabas muna ng Kapulungan, at saka sila nag-usap. 16 “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Hayag na sa buong Jerusalem na isang pambihirang himala ang naganap sa pamamagitan nila at hindi natin ito maikakaila. 17 Upang huwag nang kumalat ang balita tungkol dito, pagsabihan na lamang natin sila na huwag nang magsalita kaninuman sa pangalan ni Jesus.” 18 Kaya't muli nilang ipinatawag sina Pedro at pinagsabihang huwag nang magsalita o magturo pang muli sa pangalan ni Jesus.
19 Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. 20 Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.” 21 Wala silang makitang paraan upang parusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao'y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari. Kaya't binalaan nila ang dalawa nang lalo pang mahigpit, at saka pinalaya. 22 Ang lalaking pinagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang.
0 comments:
Post a Comment