Tusaong Katiwala
16
1 Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad, “May taong mayaman na may
isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang
ari-arian. 2 Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba
itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ibigay mo sa akin ang ulat ng iyong
pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ 3 Sinabi
ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng
aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya
naman akong magpalimos. 4 Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako
sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ 5
Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong
niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ 6 Sumagot ito,
‘Isandaang tapayang langis po.’ Kaya sabi ng katiwala, ‘Heto ang
kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong
limampu.’ 7 At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’
Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong
pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ 8 Pinuri ng amo ang
madayang katiwala dahil sa katusuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga
makasanlibutan ay mas tuso kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay
ng mundong ito.”
9
At nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, “Kaya't sinasabi ko sa inyo,
gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa
inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa
tahanang walang hanggan. 10 Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay
mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na
bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo
mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala
sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan
sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa
inyo?
13
“Walang aliping maaaring maglingkod sa dalawang panginoon sapagkat
kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang
tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod
sa Diyos at sa kayamanan.”
Efeso
Chapter 5:1-20
Mamuhay Bilang Taong Naliwangan
5 1 Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. 2
Mamuhay kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang
pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay
at handog sa Diyos.
3
Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang
na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o
pag-iimbot. 4 Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang
kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip,
magpasalamat kayo sa Diyos. 5 Alam ninyong walang bahagi sa kaharian ni
Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim. Ang kasakiman
ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan.
6
Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang
walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot
sa mga suwail. 7 Kaya't huwag kayong makisama sa kanila. 8 Dati, kayo'y
nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa
Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa
liwanag. 9 Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng
namumuhay sa liwanag. 10 Sikapin ninyong matutunan kung ano ang
kalugud-lugod sa Panginoon. 11 Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng
kadiliman na walang ibinubungang mabuti. Sa halip ay ibunyag ninyo ang
mga iyon. 12 Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na
ginagawa nila nang lihim. 13 Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay
nakikilala kung ano talaga ang mga iyon,
14
at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising
ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa libingan, at liliwanagan ka
ni Cristo.” 15 Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay
kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. 16 Gamitin ninyo
nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng
kasamaan ang kasalukuyang panahon. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa
halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
18
Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong
buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. 19 Sa inyong
pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting
espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi
kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa
pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Efeso
Chapter 4:17-32
Ang Bagong Buhay kay Cristo
4
17 Sa pangalan ng Panginoon, binabalaan ko kayo: huwag na kayong
mamuhay tulad ng mga hindi sumasampalataya. Walang kabuluhan ang
kanilang iniisip, 18 at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang
kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob
ng Diyos. 19 Sila'y naging alipin ng kahalayan at wala na silang
kahihiyan. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan.
20
Hindi ganyan ang natutunan ninyo tungkol kay Cristo. 21 Napakinggan na
ninyo ang aral ni Jesus at natutunan na ninyo ang katotohanang nasa
kanya. 22 Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang
inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa. 23
Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at ang dapat ninyong isuot ay
ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa
matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.
25
Dahil dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay
magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan.
26 Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag
ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong
bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang
magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling
ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit
ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa
pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. 30 At huwag
ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak
ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang
araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit;
huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng
kapwa. 32 Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa
isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Galacia
Chapter 5:16-26
Ang Espiritu at Kalikasan ng Tao
5
16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu at hindi ninyo
pagbibigyan ang mga pagnanasa ng laman. 17 Sapagkat ang mga pagnanasa ng
laman ay laban sa kagustuhan ng Espiritu, at ang kagustuhan ng Espiritu
ay laban sa mga pagnanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito kaya
napipigilan kayo sa paggawa ng nais ninyong gawin. 18 Kung
pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.
19
Hindi maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, kahalayan at
kalaswaan; 20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot,
pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi
at pagkakabaha-bahagi, 21 pagkainggit, [pagpatay] paglalasing, walang
habas na pagsasaya, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan:
ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng
Diyos.
22
Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan,
pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, 23 kahinahunan, at
pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ganito. 24 At ipinako na
sa krus ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang laman at ang
masasamang hilig nito. 25 Kung binigyan tayo ng buhay ng Espiritu,
mamuhay rin tayo ayon sa Espiritu. 26 Huwag tayong maging palalo, huwag
nating galitin ang isa't isa, at huwag rin tayong mainggit sa isa't isa.
Efeso
Chapter 1:15-23
Ang Panalan gin ni Pblo
1 15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig
sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga
banal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Hindi
ko nakakalimutang ipanalangin kayo. 17 Idinadalangin ko sa Diyos ng
ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na pagkalooban niya
kayo ng espiritu ng karunungan at pagpapahayag tungkol sa Diyos upang
lubos ninyo siyang makilala. 18 Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga
puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo,
kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga
banal, 19 at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos
sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang dakilang kapangyarihan ding iyon
20 ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos
sa kalangitan. 21 Mula roon ay namumuno si Cristo sa lahat ng paghahari,
kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila
ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi
maging sa darating. 22 Ipinailalim ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat
ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya, 23 na
siyang katawan ni Cristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng
bagay.
Juan
Chapter 15:1-17
Ang Tunay na Puno ng Ubas
15
1 “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. 2
Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanya namang
pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa
nang lalong sagana. 3 Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi
ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi
magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi
kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
5
“Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at
ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong
magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin. 6 Ang hindi nananatili sa akin,
gaya ng sanga ay itinatapon at natutuyo. Ang ganoong mga sanga ay
tinitipon, inihahagis sa apoy at nasusunog. 7 Kung nananatili kayo sa
akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang
anumang nais ninyo at matutupad iyon para sa inyo. 8 Napaparangalan ang
aking Ama kung kayo'y masaganang nagbubunga at sa gayon kayo'y magiging
mga alagad ko. 9 Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig
ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung tinutupad ninyo ang
aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad
ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.
11
“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan
ko at nang sa gayon ay malubos ang inyong kagalakan. 12 Ito ang aking
utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Ang
pinakadakilang pag-ibig na maaaring taglayin ng sinuman para sa kanyang
mga kaibigan ay ang ialay ang kanyang buhay para sa kanila. 14 Kayo'y
mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na
kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang
ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga
kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking
Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin, ako ang pumili sa inyo. Hinirang
ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Sa
gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ay ibibigay
sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”
0 comments:
Post a Comment